Anunciata, Cofradia sa historya ng Taytay (Part 1)

Nasa dalawang buwan pa lamang ng pagsasanay sa Balayan (Batangas) si Padre Pedro Chirino, isang historian, noong 1591 nang hugutin siya para idestino sa Taytay at pamahalaan ito bilang unang mission station ng mga Jesuita sa gawing-Silangan ng Laguna de Bay. Isinalin sa mga Jesuita ang Parokya ng San Juan Bautista mula sa nagtatag at naunang namahalang mga paring Franciscano.

Noong Marso 25 ng taon ding iyon, kapistahan ng Anunciata, ipinagdiwang ni Padre Chirino sa baryo Santa Ana, malapit sa lawa, ang kaniyang unang Misa bilang misyonero. Pinaniniwalaang ang lugar na ito’y nasa kinikilala natin ngayong malawak na relocation site na Lupang Arenda.

Ang kauna-unahang homiliya niya sa Tagalog ay binigkas sa isang Misa noong Agosto 15, 1591, kapistahan ng Asuncion (pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria), sa lugar na tinawag na “Pinagmisahan” sa bundok ng Antipolo. Ito ang unang araw ng pagtuntong ng misyong Jesuita sa Antipolo, at si Padre Chirino rin ang naging kura paroko. Kilala ang lugar na ito ngayon bilang White Cross at Via Dolorosa.

Ang Taytay ang unang baseng himpilang pangmisyon ng mga Jesuita. Nang lumaon ay naging baseng himpilan na rin ang Antipolo. Maging ang Cainta ay nakakabit pa sa Taytay noon; ginawa itong sakop na visita (annex) ng Taytay sa ilalim pa rin ng eklesiastikong pamamahala ng mga Jesuita noong 1597. Kasabay sa paglago ng simbahan sa Taytay ang pagkakatatag ng isang Cofradia (kapatiran), kasunod ang pagkakaroon din ng Cofradia de la Anunciata sa Antipolo.

Sa panahon ng “unang” Cofradia

Maraming gumagamit noon ng Agnus Dei (Kordero ng Diyos). Ito ang mga natunaw na paschal candle o kandilang nabendisyunan ng Papa sa Roma na hinulmang imahen ng Korderong may hawak na bandila o kaya’y krus. Ginagawa itong kuwintas sa leeg o sa bisig. Pinaniniwalaang proteksiyon ito laban sa masasamang espiritu, kapinsalaan sa katawan, sa mga buwayang nasa lawa, palaisdaan, ilog at katubigan. Dahil sa paggamit ng Agnus Dei ay nabawasan din ang labis na paglalasing at mga gulo’t kasamaang sanhi ng bisyong ito.

Tuwing Biyernes ng Kuwaresma ay kinakanta ang Salve Regina para sa Mahal na Birhen at may pagsesermon sa simbahan. Isang araw ng Biyernes, pagtunog ng kampana ng simbahan, umahon sa paliligo sa ilog ang mga tao para magsimba. May isang nagpa-iwan at nagbiro pang “uwian naman ninyo ako!” Habang inaawit ng kaniyang mga kasamahan ang Salve Regina, naiwan siyang naliligo, hanggang sakmalin siya ng buwaya at iniwang malamig na bangkay na lulutang-lutang sa tubig. “Nuno” ang tawag ng mga tao sa buwaya.

Inatake ng mga misyonerong pari ang maluhong kaugalian sa pagbuburol ng patay. Dahil sa mga piging sa lamayan ay nalulubog sa utang ang mga naulila. Nasasangla ang mga ari-arian at maging ang sarili nila para lamang makabayad.

Upang makaiwas sa ganito, isa sa naging gawain ng Cofradia ang pagbibitbit ng karo ng bangkay patungong libingan habang may sindi silang mga kandila. Pagkalibing ay kasama na nila ang pamilya ng yumao patungo sa simbahan upang manalangin para sa namatay. Sa gayo’y natutupad ang layuning pangkabanalan at pagkakaibigan ng komunidad nang hindi nakabibigat sa pamilya ng naulila. Nang lumaon ay naging gawain na rin ng Cofradia ang pagdalaw sa mga maysakit at para sa kanilang mapayapang pagyao.

Aklat-Talaan ng mga Binyagan sa Parokya ni San Juan Bautista noong 1847.
Aklat-Talaan ng mga Binyagan sa Parokya ni San Juan Bautista noong 1847.

Hinihikayat ng Cofradia ang mga binyagan na mangumpisal at ipaunawa ang pananampalataya sa mga hindi pa binyagan. Sa bawat baryo ay naglagay ng isang krus sa kalsada na pinagtitipun-tipunan ng mga kabataan tuwing gabi para manalangin.

Sa parokya ni San Juan Bautista ay may naitalang 378 na nasa hustong edad at mahigit 200 mga bata ang bininyagan na karamihan ay idinulog ng mga amang pagano noong 1597 hanggang 1598. Maraming benindisyunan at binuklod ng kasal, mga naputol na pakikiapid at bawal na pagsasama. Maraming anito o idolong diyus-diyosan ang pinagsisira at sinunog. Mahigit 800 ang nakapangumpisal — mayroong mga nangungumpisal buwan-buwan, mayroong kada-15 araw at mayroon ding kada-8 araw. Sa ngayon, ang pinakalumang aklat-talaan ng Binyag na nasa pag-iingat pa ng Parokya ay may-petsang 1847.

Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya sa Taytay. Sa mga kalapit na lugar na Dalig (Antipolo) at Angono ay mayroon na ring Kapilya. Tumitingkad ang pagiging relihiyoso ng mga taga-Taytay tuwing sasapit ang Semana Santa. Noong 1602 ay nagkaroon ng prusisyon na sa kauna-unahang pagkakataon ay may mga nag-penitencia — may pasang-krus, sinusugatan at hinahataw ang sarili.

Ang Cofradia ngayon
Wasak na Simbahan matapos bombahin ng mga Kano, 3 June 1899
Wasak na Simbahan matapos bombahin ng mga Kano, 3 June 1899

Maliban pa sa Cofradiá (Cofradía de la Anunciata), ang mga sumunod pang sinaunang samahang relihiyoso sa Taytay ay ang Venerable Orden Tercera, Capisanan ng Poóng San José at Capisanan ng Mahal na Puso.

Ang nakatalang pinakamatandang samahang umiiral pa sa Taytay hanggang ngayon ay ang Cofradia de Anunciata [de Taytay] na itinatag noong 1878 (o maaaring muling binuhay lamang ang sinaunang Cofradia). Mas matanda pa rin ito kaysa alinmang sektang “Kristiano” at relihiyosong organisasyon at kilusan na nagsulputan nang masakop tayo ng mga Kano. Nanatili ang Cofradia kahit namasaker ang may isang libong sibilyan noong Marso 19, 1899 (kapistahan ni San Jose); kahit ang simbahan ay labis na nasalanta ng apoy, at ang nakatindig na lamang ay ang bungad-na-harapan (facade), dingding at kampanaryo dahil sa pambobomba noong Hunyo 3, 1899.

Naging municipalidad ang Taytay noong Marso 29, 1900 sa ilalim ng pamamahalang Amerikano. Naging bahagi ng Probinsiya ng Rizal noong Hunyo 11, 1903. Pagkatapos ay pinagsanib ang mga municipalidad ng Taytay, Cainta at Angono, at ang luklukan ng pamahalaan ay nasa Taytay. Noong Nobyembre 6, 1903, ang Angono ay hiniwalay sa Taytay at naging bahagi ito ng bagong tatag na municipalidad ng Binangonan.

Noong Marso 11, 1913 ay hiniwalay ang sitio ng Bulao at Mayamut sa bayan ng Taytay at naging sakop na ng Antipolo. Noong Disyembre 8, 1913 ay hiniwalay ang Cainta sa Taytay para maging nagsasariling municipalidad.

IMG_2290Anupa’t nagkaugat sa kultura at tradisyon ang debosyon sa Anunciata dito sa Taytay at sa mga kanugnog na bayang Cainta, Antipolo, Angono, Marikina at Pasig. May imahen ng Anunciata ang Antipolo, may dalawa ang Angono ngunit nasira ang isa noong panahon ng Hapon, may isa ang Cainta, at may tatlo naman ang Taytay.

Ang tatlong Anunciata ng Taytay ay “gumagala” sa Taytay tuwing Kuwaresma simula ng Ash Wenesday hanggang Semana Santa. Ang Nuestra Señora dela Anunciata naman ng Antipolo ay taunang naglalakbay sa mga bayan-bayan. Pagkagaling nito sa Sitio Bulao, Brgy. Mambugan at Brgy. Mayamot (Antipolo), Marikina, Brgy. Santolan at Brgy. Rosario sa Pasig, tutungo ito sa huling yugto sa Taytay, ang unang bayan at Simbahan na naitatag ng mga misyonerong Franciscano sa dakong Silangan ng Laguna de Bay noong 1579.

Viva la Virgen dela Anunciata!

Related Article: San Josep ng Cofradia ng Taytay
<http://sjbp-taytay.weebly.com/homeblogs/san-josep-ng-cofradia-ng-taytay&gt;

References:

Horacio de la Costa, S.J. The Jesuits in the Philippines 1581-1768. Cambridge, Massachusetts, Harvard University Press, 1961

Pedro Chirino, S.J. Relation de las Islas Filipinas.
1595-1602. Roma. 1604. (Reprint. Manila. 1890)
(Bilang bahagi ng: The Philippine Islands, 1493-1898. Emma Helen Blair, James A. Robertson. Manila, 1903)

Jose A. Fernandez, Lakbay-Pananampalataya, Parokya ni San Juan Bautista Taytay, 15 Sept 2013, Misyon: Evangelization, <https://www.facebook.com/204744733045488/photos/ms.c.eJxFktkRw0AIQzvKsCxn~;40lRhb5fCMEstYq6eknQtoz66Mva4aaOdnbtM~;Rl1WGJcl35i~;9qtDp~;6nP~;uD8Hb~;08gEH~_WL~_kHP2q5FrdN~;5hs58Br~;Tb~;ie48tzr1aHf7~;vV8Djt0tW8OoGFnLOvlxGvst83qMH~_wnku7wfDp37Y~;LeZt5oMPWcvm~;V8uxT7kv4i~;7EfeN8CXTO1wEzf~;nskybj~;5D118wn~_2n0Jcs2~_r53O5h99PQTfO8QvL~;~_Gfq7r~_zpt5L5ysZvFquD33uFvMa81QrWL5cRmSM~-.bps.a.207575086095786.1073741831.204744733045488/207575166095778/?type=1&theater&gt;

Msgr. Peter Cañonero, Antipolo Diocese Chancellor–interviews & documents

Advertisements

“Taytay” nasa Vocabulario

Taytay Konek ka ba? (Part 2) AYON SA HISTORYA, “tulay” ang kahulugan ng “taytay” para sa mga katutubong Agta o Aeta (Negrito) na naglalagalag noon sa mga burol ng Taytay, San Mateo, Antipolo, at sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre at Banahaw na nakapalibot sa dakong Silangan ng Laguna de Bay. Nananatiling “taytay” pa… Continue reading “Taytay” nasa Vocabulario

Sa Barangay Santa Ana nagmula ang Bayang Taytay

Ang pagkakalikha (inception) ng bayan at Simbahan ng Taytay ay umpisang umusbong sa Brgy. Santa Ana. Tatlong baryo o barangay ang simulang natipon para maging isang pueblo o bayan ang Taytay: Santa Ana, San Juan at Bangyag.

Sino ang tatay?

Ang Taytay ay may historyang pinagmulan. Bagama’t wala pang opisyal na deklaradong foundation day ang Taytay, ito’y hindi basta sumulpot na lamang at sukat. May 438-taon na nang ito’y maitatag bilang pamayanan at Simbahan ni PADRE JUAN DE PLASENCIA noong 1579.

Taytay at Liliw, tatak-SJB

… MARSO 18, 2017. Ikatlong linggo sa panahon ng Kuwaresma. Nag-pilgrimage ang grupo ng mga Cursillistas nina Medel. Mga taga-parokya sila ni San Juan Bautista (SJB) sa Taytay. Isinuot ni Medel ang t-shirt niyang may tatak-SJB. Kasi nga naman, proud siyang magliwaliw at ipakitang taga-SJB ng Taytay ang tropa nila. Ang destinasyon nila? Liliw, Laguna.… Continue reading Taytay at Liliw, tatak-SJB

Isidro: Santo at Barangay

– NOONG 1998, may lumang Regal sewing machine na de-padyak na nakatambak lang sa isang sulok ng aming bahay. Ipinakumpuni ito ng misis ko sa tatay ng isang batang nag-aaral sa Rural Improvement Clubs Children’s Center (RIC-CC-San Isidro) na nasa aming likuran sa tabi ng Sapang Maningning. Ako ang nag-asikaso habang ito’y ginagawa. Ipinuwesto naming… Continue reading Isidro: Santo at Barangay

“TayTayabas”

Si Padre Juan de Plasencia ang historikal na koneksyon ng “TayTayabas”